Nasubukan mo na bang manood ng mga tagalog movies noong 1990s? Ibahin ko yung tanong para mas madaling intindihin: Minsan mo na bang sinayang ang oras ng buhay mo at dahil sa kabagutan eh nanood ka ng mga movie ni Dolphy at Vic Sotto? Kung "Oo" ang sagot mo pareho tayo.
Naalala ko noong bata pa ako, tuwing Wednesday ng gabi, may mga tagalog action movies na ipinalalabas at madalas akong nanonood noon. Ewan ko nga ba kung bakit natutuwa ako sa mga ganoong panoorin noong bata pa ako.
Ang mga napansin ko sa mga tagalog action movies noong 1990s ay eto: - May bida na immortal. Tinamaan na ng bala buhay pa. Kapag may nagbato ng granada, masasalo niya at maibabato pa sa kalaban. Magaling sa suntukan at kahit lima pa ang kalaban ay hindi tinatamaan ng isang suntok. Meron yatang agimat ang mga bida sa pinoy movies kaya kahit anong mangyari ay hindi mamatay. Siguro, sila ay masamang damo.
- Ang kontra-bida ay laging maraming alalay. Laging may cellphone sa tenga. Binabatukan lagi ang mga goons niyang kalbo na pumalpak. Makapangyarihan din ang kontrabida at madalas mayaman talaga dahil nakakabili ng baril. Sa pinoy movies, maaring ang kontra-bida ay ama, anak, kapatid, kapitbahay, bayaw, lolo, o kaibigan ng bida. Ang kontra-bida ay parang demonyo sa sama dahil, pumapatay siya, mahilig mang-kidnap, nanununog ng bahay, nagtatapon ng asido sa mukha at minsan, kumakain ng bakal.
- Laging may baril ang kalaban. Nakakatawa dahil ang pinag-aawayan lang nila ay kakapirasong lupa sa istorya ngunit mukhang milyon ang ginagastos nila sa bala pa lang. Kahit na babae pa ang kontra-bida may baril pa rin. O kaya may mga gun-man talaga siyang inarkila. Laging nakaipit ang baril sa mga pantalon.
- May kantahan sa ilalim ng puno. Hindi ko alam kung anong sense. Pero lagi ko itong nakikita. Kung anu-anong korning kanta ang inaawit nila. Kasama dito ang machong bida.
- Ang mga goons sa pelikula ay madalas na, naka-maong na jacket, naka-shades, may-cellphone, white t-shirt, at lulan ng isang kulay silver na owner type jeepney. Kapag tumatawag sila sa cellphone madalas mong maririnig ang: "Ma'am, okey na to. Mamaya lang patay na ito sa amin. Bwahaha." Madalas din ay bigotilyo sila.
- May seksing leading lady na walang ibang ginagawa kundi magpakidnap. Lagi na lang ganun. Di ko alam kung tanga ang leading lady o sadyang nagpapakidnap lang para maging gwapo ang bida.
- Lahat ng bida ay magaling magpatakbo ng kotse. Kahit walang susi, aandar. Karamihan sa mga kotse na paborito nila ay yung bulok. Madalas nilang sinasagasaan ang mga Fruits and Vegetable Vendors.
- Ang pinakahuli ay ang PULIS. Lagi silang kasama sa mga action na pelikula. Ano ang trabaho nila? Kapag nanalo na ang mga bida, darating na ang mga sasakyan ng pulis. Ewan ko kung bakit kailangan pa nilang dumating gayong nagapi na ang kontra bida.
Eto naman ang mga dialogue na madalas mong maririnig sa pelikula: -
Bossing! Nakatakas sila! (Sasabihin ng alalay na pagod na pagod)
-
Isang bubwit lang di mo pa napatay!? (Sabay batok sa kalbong alalay na pagod na pagod.)
-
Wag kang mag-alala! Ililigtas kita Rosanna! (Kahit walang kausap.)
-
Lumabas ka na diyan sa lungga mo! (Habang nakasandal ang bida sa pader at nagrereload ng baril.)
-
Katapusan mo na! (Sinasabi ng bida kahit dehado siya.)
-
Hindi mo matatakasan ang batas! Bwahaha! (Pagnahuli na ang kontrabida ng pulis)
Isa lang masasabi ko.. Minsan, mas ok pang manood ng pinoy movies kaysa sa mga telenobela.
:D