| Hanggang ngayon mga igan ay hot na hot pa rin ang naging interview namin ni Mareng Winnie Monsod kay Pampanga Dist. 2 Rep. Mikey Arroyo. Ito ay kaugnay ng kinukuwestyon niyang bahay sa Amerika. Mapa-Youtube, twitter o facebook, apple of the eye ang pagtugon ng presidential son sa kontrobersiya na unang binulgar ng Vera Files. Pero ‘di naman direktang sumentro sa Mikey’s house ang palitan namin ng talakayan, kundi sa paglobo ng kanyang yaman. Batay sa inihaing Statement of Assets and Liabilities and Networth noong taong 2005 nagdeklara siya ng P5 milyon na kita. Ngunit nang sumunod na taon, umakyat ang yaman ni Mikey ng P70 milyon. Saan nanggaling ang kanyang yaman? Paliwanag ni Mikey: 1. Naitama na niya ang mga pagkakamali sa unang pag-file ng SALN; 2. Naipon niya mula sa pagpasok sa stock market; 3. Nakalap niyang kontribusyon mula sa kampanya sa panahon ng eleksyon; at 4. Regalo ng kanyang mga ninong at ninang sa kasal niya kay Ms. Angela Montenegro. Ipinaliwanag pa ni Mikey na ang lahat ng kanyang ari-arian ay idineklara niya sa ilalim ng isang korporasyon na kung saan siya ay isa sa mga may-ari. Ang lahat ng ito, ayon sa kongresista ay legal at itinatakda ng batas. At ito ang nakakabahala. Kailangang mabusisi kung may legal ng pamamaraan para maitago ang nakaw na yaman. ‘Di man ito masabi sa kaso ni Mikey. Ngunit ang mga binigay na katwiran niya kung paano lumobo ang kanyang yaman, na tila malabong ngang solong manggaling sa kanyang suweldo, ay nararapat lamang bigyan ng pangalawang pagtingin. Kaugnay ng pagtanggap ng mga regalo sa kanyang kasal, kailangang mabatid kung kanino galing at magkano ang halaga. Bilang public official, ipinagbabawal ito at maituturing na indirect bribery. Pero higit sa usaping legal ay ang usapin ng pagiging manhid sa paghihirap ng maraming Pilipino. Ang pagbili ng mansyon sa Amerika, kahit kaya mo pa, sa panahon na nakaupo ang iyong ina bilang pangulo ay ‘di dapat maging katanggap-tanggap. Kahit papaano ay kakikitaan ng abuso. Walang maririnig o makikitang reklamo mula sa mamamayan kung ang kanilang lider ay nakikiramay sa kanilang pagdurusa. Subalit kung luho’t karangyaan ang mas nangingibabaw, lalayo at lalayo ang agwat ng pagtitiwala. Hindi sa korte ang labanan, kundi sa bawat konsensya ng mga Pilipino. Darating din ang katarungan. Lord, Kayo na po ang bahala. |